filipino poetry

Pula, ang Kulay ng Abril

Kay rikit at naniningkit

ang liwanag nitong tila nagagalit

namumula at tila naghihimagsik

o baka nama’y naghihinagpis

naninibago na nga ba sa paligid

o baka nama’y pilit lang may winawaksi

nagbabaga na ba ang iyong pagibig

o baka kadunungan lang ang iyong pinababatid.

courtesy of pxwallpaper.com

 

Laro o Langit sa Dilim

image courtesy of weheartit.com

 

 

Sa pag dilat ng mga mata
may mga katanungang  namamalagi
mga bagay na pilit na winawaksi
ito ang mga katanungan matapos ang isang pagniniig..

 

“Sa pag dilat ng mga mata
yayakapin mo ba uli ako sinta
hahaplusin ang kamay na kay pagal
hahalikan ang noo at gigisingan sa isang halik

Sa pagdilat ng mga mata
maaalala mo pa ba ang pangakong naipabatid
magbibigay ba ito ng ligaya o kaguluhan sa isipan
magdudulot ba ito ng kaginhawaan o pasakit

Sa pagdilat ng mga mata
mananatili pa kaya ang init na nadarama
mananalantay ba ang pagsuyong sa dilim nasambit
o magkikibit balikat at tuluyang aalis? .”

 

Sa pag dilat ng mga mata,
dun nga lang tuluyang maiisip
kung isa nga bang langit ang kinahantungan
o impyerno’y hinukay dahil lamang sa tawag ng laman. ..

Basahan

Sige lang wag matakot
libutin mo ang mundo
Maging mapangahas
at abutin ang pangarap mo

Daanan pati ang madilim
na kalsadang banyaga sayo
humakbang ng mabilis
at tumalilis palayo

Magmahal, tumula
at yumakap man ng iba
lahat ito’y tinatanggap
kahit maiwan mang magisa

Tandaan andito lang ako
at palaging maghihintay
kung mapagod ka man
at muling malumbay

Handang bitawan ang lahat
pati na ang aking bukas
magiging tagapagtanggol
at nagiisa mong lakas

Iingatan ko ang lahat
pati na mga pangarap
magsisilbing pugad
ng pait at sarap.

Ikaw Lang

Ano nga bang maaaring sabihin
para iyong tuluyang mabatid
ang mga pangarap ko’t iniisip
ay para lang sayo giliw

Pano nga ba dapat ayusin
ang nakaraang nagpasakit
para tuluyang lumambot
ang puso mo na saki’y nanlamig

Pano nga ba dapat iparamdam
sa damdamin mong naguguluhan
di man lang magawang maniwala
na sadyang ikaw lang ang inaasam

Mahal ko di mo man mabatid
na ikaw lang ang talang nais na abutin
ang liwanag saking dilim
at huni ng aking pagibig

Kayat’ sa aking paglisan
mahal sana iyong pakatandaan
ikaw ang tala saking dilim
ang init sa gitna ng lamig
ikaw lang at wala ng iba
ako’y iyo magpakailan man.

Kung Sino Ka Man

courtesy of relevantmagazine.com

Alam mo ba na kay lamig
at lungkot ng puso ko,
noong mga araw na ako’y nagiisa
at palaging nabibigo

Niloloko ng lahat
at palaging natatalo,
nagmamahal man ng tapat
ngunit nakakatapat ng mapaglaro

Alam mo bang kay hirap
na tuwirang magtiwala,
pagka’t sa bilis ng panahon
lahat ay parang madaling mawala

Ang anghel na nakilala
ay isa palang palalo,
mga anghel na mapagkunwari
ngunit hanap lang ay ligayang panandali

Alam mo bang kay tagal
na rin kitang hinahanap,
kung saan saan na
ang mga paa ko’y napadpad

Bat di pa rin kaya tayo
tuluyang magka daumpalad,
o talagang dapat maghintay na lamang
sa sinaad at itinakda

Hay, tagatakdang tadhana
tila ako’y iyong pinapatay,
Alam mo bang pagod na pagod na
ang puso’t kaluluwa kong nalulumbay

Bat di pa kasi magpakita
bat di pa kasi mahanap ka
O mahal ko halika na’t
nais ko ng yakapin ka

Hahalikan, aalagaan
at mamahalin ng buong buo,
Gagapiin natin mahal ko
ang kalungkutang bigay ng masamang mundo

Bubuuin ang mga pangarap
at sabay haharapin ang bukas
lahat ito’y pangako ko
mula sa araw na pagdating mo

……………………………..KUNG SINO KA MAN.

Muling Pagpiring

Sa tagal at layo ng tinahak
sa dami ng paltos na ating nakuha,
hindi nga ba’t nakakapagod na
sa puso’y palaging pinaglalaban ka

Tama na bang huminto muna
mamaraptin mo ba sinta?
giliw bigyan mo sana ng pansin,
itong hinaing ng nagiisa mong alipin

Alipin na sa pagibig mo’y umaamot
ngunit ngayo’y nagdesisyon ng magmaramot,
nagnanais na munang tumikhim
ng ibang klaseng lasap at awitin

Awitin na may ibang kulay
at sa pusong uhaw magbibigay buhay,

O sadyang kapangahasan nga ba?
na sa iba nais makuha ang init at lambing

Lambing na ni minsan di mo maibigay
kayat nanatiling uhaw at puno ng lumbay,
ngunit kung iniisip mong pagmamahal sayo’y tuluyang namatay
mali ito mahal ko, pagka’t yaon ay pang habambuhay

Habambuhay man na kamalian at pagtataksil
taksil lamang sa sarili at puso kong hinahanap ka giliw,
ngunit intindihan na isipa’y di na kayang magtiis
at pangarapin ang pagibig mo na palagi namang mintis.

………………

courtesy of discoveryouritaly.com

Yaan na munang manahimik at magkunwari

isuot MULI ang balabal at maskara ng saya at pagpupunyagi,

ipikit ang mata at takpan ulit ang pandinig,

manatiling bulag at bingi sa tawag ng pagibig.