Tagalog

Pag nasa malayo ang pamasko mo… magpakyut

Malayo man tayo
dagat man ang pagitan,
at isang oras ang pinagkaibahan
ikaw pa rin ang nais na masilayan

Sa tingkad ng mga ilaw
at sa ingay ng syudad na banyaga
iisa pa rin ang inaasam
Bilisan mo na kasi oras,
dalian na o kalendaryo
kumembot, tumambling at magpaikot ikot
bago pa pasaporte nyay makompleto

DALI! uwing uwi na ako!
P.S. Mas masarap pa sa hamon ang mga ngiti mo. NAKS!

Metamorphosis

Lumabas ka na mumunting bubwit
wag matakot sa liwanag ng mundo
iangat ang iyong mga ulo
at ilabas ang koloreteng pakpak mo

Sa liwanag ng araw wag mahiyang tumingin
pagka’t pag asa ang dala nito giliw
damhin din ang bulong ng hangin
tila isang harana sa damdamin

Dahan dahang humakbang sa mga sanga
at iangat ang pakpak at ibuka
ikampay ito ng paunti-unti
at lakas loob na magpakahulog.

Hayan!! Eto na ang pagbagsak!
tila mundo at puso’y lalagapak
sa takot man mata’y pilit mong buksan
sa lambing ng hangin manalig pagka’t ikay gagabayan

Koloreteng pakpak tuluyang bumukadkad
sa sayaw ng hangin siya’y umiindak
bubwit na dati sa langit nakatingala
ngayon lumilipad na at sa nakaraan ay kumawala

FLIRTATIONSHIP part 1

Thanks to joulethomsoneffect aka EPOL for the male POV

NOTE : MALE AND FEMALE POV

Sa saliw ng musika
at liwanag ng ilaw
init ng mga titig mo’y
akoy sadyang natutunaw

Sa lakas ng ugong ng banda
at sa giliw ng pagkanta
ba’t ba sa dako mo wari
ako’y naiilang, napapagitla

Andun sya sa isang tabi
labi’t mata’y ngumingiti
sa liwanag na sa kanyang dumadampi
tila ako’y kanyang inaakit

mula sa paghawak nya ng kanyang baso
at sa pag galaw ng kanyang mga braso
ako’y napapalunok, nagiinit
binibini nais kitang makapiling.

Putik

Punong puno ng kasinungalingan
mga negatibong akda ng panlilinlang
ang pagmamatigas at pagbibingibingihan
yan lang iyong alam
mga panahon na sinayang
at tiwalang matagal ng niyurakan
ito ang dumi na iyong naiwan
tila burak sa kabahayan
kaya nga’t sa iyong pagtanda
ginang wag ng pagtakhan
kung ba’t ang dating isinilang
ay wala na at handa kang iwan.

Pagkamulat

Ligkis ang unan
Nakadapa sa kama
Sisinghot singhot
Tanging bakas ay luha
Marubdub na kataga
Sa labi’y namamayani
Pumupungas sa higaan
Na tila langit ri’y hihikbi
Inis at paglulumo
Sa sarili’y binuyo
Pagka’t sa huli nga’y
Unti ring napagtanto
Lecheng kabobohan
Di pala muntik
At higit pa sa malapit
tiyak , alam na at totoo.
Puso ko’y iyong iyo.

Para Sayo

Mulat man ngunit bulag,
Kumakapa kahit tarik ang araw
Sariliy di maintindihan
Ninanais ng isipa’y di matugunan
Tinatangi ang gawaing pariwara
Tuwina’y naglalakbay sa tagilid na kalsada
Patuloy na naghahanap ng makakasama
Pagkat kalungkutan ang syang kaaway nyaKaibigan kailan ka ba titgil
Sayong paglalaro’y di kita mapipigil
Iyong mga mata, lungkot ba ang kinukubli?
At pagmamahal sa sarili ay sya mo ng winaksi

Halika’t akoy iyong kausapin
Damdamin at problemay aking aalamin
Wag matakot pagkat akoy handang tumulong
Sa mundong makasalanan di ko nais ikay malulong.

SELF RESPECT TAKES NO CONSIDERATION- Mahatma Ghandi