overseas workers

Paliparan Atbp

Saking paglisan sana man lang dumampi
Pangako ng isang bukas kahit may pighati
Pagsinta at ligaya ay syang aking hatid
Basta’t pagabalik ko’y, andyan ka’t kayakap kong muli.

 

 

Yakap at ngiti, yan ang kalimitan kong nakikita sa airport pag may naghahatid sa terminal 1 ng Ninoy Aquino International Airport. Sa taas ang departure area at sa baba naman ang arrival. Sa ilang beses ko ng paghatid at pagsundo di ko pa rin maalis ang di magmasid,
Iba ang bigat ng hangin sa taas, hindi dahil sa air pressure, wala tayo sa bundok, kundi ang bigat na may kasamang lungkot, pangako at takot. Habang sa baba nama’y saya at pagkaantok paminsan pa’y may halong pagka bagot.

Iba nga talaga ang pamilyang Pilipino may lambing na di maitatago, iba rin ang dating ng salitang bagong bayani tila may sampal sa bawat papuri. Napapailing lang ako sa ganito, bayani? sino bang nagpauso nito? kabayanihan ba ang lungkot ng paglisan?, ang takot sa nahiwalay na pagsinta?

Aahh malamang bayani sa kaban ng bayan.

Nung ‘sang araw nakausap ko ang aking kaibigan, nais na nyang umalis muli ngunit hirap syang iwanan ang kanyang bagong silang.  Hindi na lang ako umimik, ako ma’y lalayo, wala man akong sabit sa ngayon pero isang araw ang ganyan na rin siguro ako.

Kakayanin ko nga ba? magiging kasing tatag ko ba sila o pupungas pungas habang maleta’y hila hila?

Nakakatakot mang isipin pero ito ang buhay na tinatahak ng karamihan, nabubuhay sa isang pangarap na magandang buhay, sa isang pangako ng isang liyag at pagibig na tunay, sa isang pamilyang babalikan at sana kailanma’y  maghihintay.

 

 

 

Advertisements